Ibang Kapamilya actors tinalbugan, Coco parang superstar ng ABS-CBN!

Bidang-bida uli si Coco Martin. Kaya naman may issue na kaliwa’t kanang suwerte ang dumating sa kanya ngayon. Parang superstar na kasi ang status ni Coco sa bagong teleserye ng ABS-CBN na Minsan Lang Kitang Iibigin. Tinalbugan pa niya ang ilang aktor ng Kapamilya Network.

Pero ayon naman sa insider ng Dos, deserving si Coco sa nasabing bonggang break dahil may napatunayan naman siya bilang isang aktor.

Actually, hindi lang naman si Coco ang bida sa bagong serye.

Ang mga pinagsamang galing ng mga gaganap — Andi Eigenmann, Maja Salvador, Tonton Gutierrez, John Estrada, Ronaldo Valdez, Boots Anson-Roa, Amy Austria, at Lorna Tolentino — ang uukit ng marka sa larangan ng showbiz na siya ring kukumpleto sa inyong primetime gabi-gabi.

Pero ito na ang itinuturing na biggest break ni Coco na bibigyang katauhan niya ang dalawang role. “Sundalo ako rito at tulisan. Dalawang magkaibang karakter po,” pagbabahagi ni Coco. Ito na rin ang pinakamahirap na role na bibigyan niya ng buhay.

Itatambal kay Coco ang dalawa sa pinakamagagandang mukha ng kanilang henerasyon, sina Andi at Maja, na pareho ring magagaling.

“Grabe ’yung role ko rito. Lahat ng training na pinagdaanan ng mga sundalong lalaki, ginawa ko rin. This is the toughest role I have ever portrayed,” paglalahad ni Andi.

Ipinahayag naman ni Maja kung gaano siya kasaya sa kakaibang karakter niya sa serye, “NPA ako dito eh. Sa masukal na kagubatan kami nakatira. Ang saya, kasi ’yung mga bagay na ’di ko pa nararanasan sa totoong buhay, at least may pagkakataon akong ma-experience sa pamamagitan ng seryeng ito,” sabi ni Maja.

Magkakaroon rin ng espesyal na partisipasyon ang ilan sa mga kilalang Kapamil­ya artists na sina Kim Chiu, Erich Gonzales, Xian Lim, Agot Isidro, Albert Martinez, at Angel Aquino.

Sa ilalim ng direksyon ni Ruel Bayani, ang Minsan Lang Kitang Iibigin ay iikot sa kaibahan ng dalawang mundo, ang mundo ng mga sundalo at mundo ng mga tulisan, at kung paano magiging daan ang kanilang pagkakaiba sa kanilang pagtatagpo ng landas.

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...